Thursday, 2 February 2017

Ang Freedom of Information Bill o FOI Bill

Talumpati ni: Francis Carl Benjie G. Cristino

Ano nga ba ang FOI Bill? Ang FOI Bill ay isang batas na nakilala sa buong pangalan na “An Act Implementing the Right of Access to Information on Matters of Public Concern Guaranteed Under Section Twenty-Eight, Article II and Section Seven, Article III of the 1987 Constitution and for Other Purposes” o ang “House Bill 3732”. Ito ay ginawa ng ating gobyerno upang iulat kaagad sa mga opisyal ng pamahalaaan sa kagustuhan ng mga mamamayan at ipaalam ang mga impormasyon tulad ng mga proyekto sa paggawa ng isang maliit na tulay, palawak ang kalsada ng highway, aayusin ang mga baradong kanal, at iba pang mga importante na proyekto.
            Sa Kongreso, Senador, at Administrasyon ng gobyerno ay gumawa sila muna ng importanteng detalye bago nila ipasa sa pamahalaan. Ang kagustuhan ng mga mamamayan ay magkaroon sila ng mga proyekto upang mapaunlad ang kanilang lugar. Pero bago nila ito gagawin, ay maghintay muna sila sa mga updates ng gobyerno. Kapag nabigay na nila ang mga updates sa mga mamamayan, ay gagawa sila ng isang importanteng pulong para mapag-usapan nila ang mga kailangan na materyales, mga trabahador, at pondo sa kanilang gagawin na proyekto. Bago nila sisimulan ang trabaho ay gagasto muna sila ng mga matigas na materyales at mga magandang kagamitan para sa mga trabahador. Ang susunod nilang gagawin ay tutukuyin kung magkano ang kanilang magagastos. Sunod ay ihanda na ang mga trabahador, materyales, malaking sasakyan, at sahod. Sa susunod na araw, ay pwede na sila magsimula sa pagtatrabaho at dapat din nila ito matapos sa madaling panahon. Pagkatapos ng kanilang trabaho, ay makikita ng mga tao na ang kanilang ginagawa na proyekto ay maganda at masasabi nila na ang kanilang ginamit na materyales ay matibay at ligtas sa mga anumang aksidente at kalamidad.

            Ang aking masasabi sa FOI Bill ay isa itong napakaimportanteng bagay na dapat ipatupad sa mga tao upang mapaalam sa mga mamamayan kung ano ang kanilang susunod na proyekto. At nangangailangan ito ng masusing proseso bago nila ito ibigay. Dapat hindi magsimula agad na walang mga updates upang malaman kung ano ang iibigay ng gobyerno sa kanila.
Visiting Forces Agreement

Talumpati ni: Vincent John G. Reoma

Ang VFA o Visiting Forces Agreement ay ang pagdalaw ng mga Amerikano sa ating bansa, gumawa ng mga base at pang parking sa ilang mga barko na pangdigmaan.
Noong una talaga ay pinapaboran ko ang mga Amerikano. Sila ay parating nasa atin bilang bayani sa digmaan at sila rin ay mabuti at alam kong makabubuti sa atin. Ngunit nalaman ko ngayon na gusto nilang kunin mula sa atin ang Spratly Islands. Binigyan raw tayo ng bagong armas pang laban sa mga sa mga kriminal at mga terorista. Ngunit ano ang gamit ng mga bagong armas kung babagsak lang din naman ang ating bansa? Yan ba talaga ang mga amerikano? Yan ba talaga ang intensiyon nila? Tutulungan daw nila tayo, paano nila tayo matutulungan kung wasak na ang ating bansa?
Poprotektahan daw nila tayo laban sa tsina. Ngunit sa pagkakaalam ko sa kanilang batas ay idadaan mula sa kongreso kung dideklara sila ng digmaan o meron silang protektahan. Ano na ang mangyayari sa ating bansa kung hindi papayag ang kanilang kongreso na protektahan ang ating bansa? Kung yan ang mangyayari, ayoko na sa mga amerikano. Akala ko gusto nila ang kapayapaan sa mundo.         
Kung ito ang mangyayari, mabuti nalang at kaibigan na ang ating bansa sa tsina. Binigyan tayo ng tsina ng 20 billion USD worth of deals, mga armas, kalye, tulay at ang pinakamaganda pa ay hindi nila tayo aatakihin!

Ngayon ay ayaw ko na sa Visiting Forces Agreement.  katulad lang din ito sa World War 2, nakipag digmaan ang mga hapon sa atin dahil maraming amerikano sa ting bansa na lumaban sa kanila. Ito na ang oras sa pagbabago. Pagbabago na makabuti sa ating bansa. China at Russia, ang bawat isa ay makatulong sa atin sa ekonomiya at sa puwersang pandigma. Mabuhay ang Pilipinas!
Ang Patuloy na Pag-alis ng mga OFW sa Ibang Bansa

 Talumpati ni: Maria Daniela S. Venezuela

Mahirap ang buhay sa Pilipinas. Alam ng lahat iyon. Kaya marami sa atin ang naghahangad na makapunta sa ibang bansa at pinili na mamuhay bilang isang OFW.
Ano nga ba ang ibig sabihin ng OFW?  Overseas Filipino Workers ang tawag sa mga kababayan nating nangingibang bansa at nakipagsapalaran sa kung anong trabaho ang naghihintay sa kanila.

Ang ating bansa ay humaharap ng kahirapan. Kaya ang solusyon ng mga mamamayan upang kahit papano’y matakasan ang kahirapan ay ang pangingibang bansa.
Nakakalungkot isipin na parami na ng parami ang mga Pilipinong nangingibang bansa para makipagsapalaran. Tayo’y likas na matalino at maparaan kaya’t marami sa mga Pilipinong nangingibang bansa ay agad na makakuha ng trabaho. Pero hindi lahat ay nagiging mapalad sa pangingibang bansa.
Kayod ang mga OFW saan man sa mundo, upang mapakain ang kanilang pamilya at matustusan ang pang araw-araw na pangangailangan, makapag-ipon ng malaki at maipadala sa pamilyang naghihintay sa Pinas. Kahit sobra na ang pangungulila sa pamilya, binabalewala na lamang nila ito at itinutuon ang atensyon sa pagtatrabaho at kahit na mahirap at masakit ay kinakaya, para lamang may maiuwi rito sa Pilipinas.

Maraming Pilipino ang nakikipagsapalaran parin hanggang ngayon. Hindi madali ang maging isang OFW lalo na ang pag-alis sa bansang sinilangan, kaya ako ay humahanga at sumasaludo sa kanilang pagtitiis, paghihirap at pagsasakripisyo hindi lang para sa sarili kundi pati na rin sa mga pamilya nila.
Adiksyon sa Video Games

Talumpati ni: Lloyd Elton Yu

Sa panahon na kinagagalawan natin ngayon, ang paboritong gawain ng mga bata at pati na rin sa mga matatanda kapag walang magawa o naiinip at walang gawain ay ang paglalaro sa mga larong virtual or video games. Ang mga video games ay parang droga sa isang tao, nakaka adik kahit na walang aktwal na droga na ginagamit. Ito ay nagbibigay ng aliw at saya sa mga taong malulungkot at walang magagawa sa kanilang sobrang oras, parang droga, binabalik balikan ito ng mga tao para makakaranas ulit ng labis na kasiyahan. Araw-araw, milyong-milyong tao ang nagsasayang ng oras at pera sa mga internet cafes para maka pag level up o makipag laban sa kanilang mga kaibigan at pati na rin sa ibang tao sa mundo. Ang likas na kagustuhan ng tao na manalo sa mga laro at kompetisyon ay naging ugat sa mga awayan at pati na rin sa patayan dahil lang sa video games.
Napababayaan ng mga bata ang kanilang pag-aaral dahil sa mga paglalaro ng video games, kapag hindi sila nag aaral ng mabuti, wala silang magandang kinabukasan at hindi sila makakapag ipon ng pera sa kanilang paglaki. Malaking distraksyon din sa mga matatanda ang mga video games dahil masasayang ang kanilang oras sa paglalaro na magagamit sana sa pagtatrabaho o paghahanap ng trabaho.
Ang pagiging adik ng mga tao sa video games ay naging isang malaking isyu dahil sa mga estudyante na nag cutting sa klase para lang maglaro sa bahay o sa internet café. Hindi na lumalabas sa bahay para makipaglaro sa ibang mga bata. Walang alam ang mga bata sa panahon ngayon tungkol sa mga laro noon tulad ng tumbang preso, waring-waring, at pati na rin sa habol-habolan dahil nasa loob nalang sila palagi ng bahay o café, naglalaro. Dahil sa labis na kasikatan ng mga larong virtual, ginawa na itong larong kompetisyon sa iba’t ibang parte mundo, tinatawag itong eSports or electronic sports kung saan dito naglalaro ang mga propesyonal na manlalaro ng video games. Para itong Olympics para sa mga video games pero nagaganap ito kada taon. Malaki din ang mga premyo na napapanalunan ng mga manlalaro ito, umaabot sa $300,000 hanggang $20,000,000 depende sa laro at kompetisyon.

Sa kabuoan nito, ang video games ay nakakatulong sa maraming paraan tulad ng paglilibang. Ngunit ito ay nakakasira ng buhay kapag nalalabisan. Maglaro ng video games ng sa wasto at mainam na paraan at huwag pabayaang sisira ng kinabukasan.
Ang Patuloy na Pag-alis ng mga OFW sa Ibang Bansa

Talumpati ni: Karyn Mae Malla

Minsan ba’y sumagi na sa ating mga isipan ang kahalagahan ng lahat ng uri ng trabaho? O sadyang nag-iba na ang daigdig at tanging mga sarili na lamang natin ang ating iniintindi at pinagtutuunan ng pansin? Sa kalagayan ng bansa natin ngayon, mahirap maghanap ng trabaho lalo pa’t humaharap tayo sa matinding krisis. Sinasabing sa panahon ngayon ay kailangang maging praktikal kaya’t ang karamihan sa mga pilipinong may maipagmamalaking kursong natapos ay hindi narin napapakinabangan ng ating bansa, mas pinili nilang magtungo sa ibang bansa at magtrabaho ng mga gawaing salungat o lihis naman sa kanilang kakayahan at pinag-aralan upang mas kumita ng malaking halaga ng pera. Bakit nga ba marami sa ating mga Pilipino ang gustong makalabas ng bansa?
Simple lang ang kasagutan, para kumita ng mas malaki kaysa sa kinikita dito.
            Ang pangunahing dahilan ng mga OFW sa pagkakaroon ng malaking sahod ay ang makapag-patayo ng bahay at lupa para sa kanilang pamilya. Gusto nila na ang kanilang pamilya ay may maayos at ligtas na matitirhan. Sino nga ba sa atin ang hindi gugustuhin na may sariling ari-arian? Para sa hinaharap ay may maipagmamalaki tayo na “SA ATIN TO” na galing ito sa pagpupursige at pagsusumikap mo.
            Ang pangalawang dahilan ng mga OFW sa pagkakaroon ng malaking sahod ay makaahon sa hirap upang mabayaran ang mga utang at matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Dahil gusto nilang mas guminhawa ang kanilang pamumuhay at makapagtapos ng pag-aaral ang kanilang anak.
            At ang panghuling dahilan ng mga OFW ay para lahat ng hinihiling at hinahangad ng kanilang pamilya ay makukuha at maibibigay. Gusto nilang hindi mahirapan ang kani-kanilang pamilya lalong-lalo na ang kanilang anak. Hindi nila gusto na ang mga nararanasan nila noon ay mararanasan ng kanilang anak.

Hanga at saludo ako sa mga OFW na kahit anong hirap at pagsubok ang kanilang naranasan ay kinaya nila hanggang dulo para sa kanilang pamilya.Sila ang tunay na bayani ng ating bansa. Sila rin ang nakatulong upang umunlad ang ating bansa. Hindi masamang mangarap, kung tutuusin, sabi nga ng iba, libre ito at sino man ay puwedeng mangarap. Pangarap na para sa ikabubuti ng lahat. Patuloy na iikot ang mundo at mas magbabago pa ang pananaw, hangarin at pamamaraan ng lahat ng tao. Hindi na natin maibabalik ang kahapon upang baguhin ang mga naganap. Sa halip, kinakailangan na lamang nating ipagpatuloy ang daloy ng buhay at isipin na talagang sa buhay ay may dumadating na mga hindi inaasahang pangyayari, minsa’y papalarin at minsa’y mamalasin. Ipagpatuloy ang agos ng alon, ipagpatuloy. Kaya dapat tandaan natin na dapat nating respetuhin at pahalagahan ang mga ginagawa ng ating pamilya para sa atin dahil hindi natin alam kung gaano kahirap ang pinagdaanan nila.
Same-sex Marriage

Talumpati ni: Lord Edwin C. Almoroto

Sa simula, may dalawang kasarian lamang at di kalaunan ay umusbong ang ikatatlong kasarian na tinawag na “Lesbian Gay Bisexual at Transgender” o kilala sa salitang “Homoseksuwal”. Kasabay ng pag-usbong ng ikatlong kasarian ay ang same sex marriage o pagpapakasal ng magkakatulad na kasarian.
Ang same sex marriage ay lagi ng isang malaki at sensitibong usapin hindi lamang sa mga bansa na talamak ang Kristiyanismo, kundi maging sa buong mundo. Ang mga tao ay may kanya-kanyang opinyon ukol sa pagpapa-legal ng same sex marriage sa kani-kanilang mga bansa, at nagkaroon na nga ng iba’t-ibang debate ukol sa nabanggit na usapin.
Una, nakasanayan na natin na tanging lalaki at babae ang nakikita nating nagpapakasal kaya hindi natin maiwasan ang magtaka kung magkaparehong kasarian ang nagpapakasal. Sa Pilipinas kasi nakasaad na ang “marriage” ay pagitan lamang sa babae at lalaki.
Ikalawa ay dahil sinasabi na ito ay imoral, nakaka-iskandalo, at nakakadiri. At para naman sa mga relihiyoso o iyong mga nagsasabi na mayroon silang “malakas na pananampalataya” sa nasa itaas, ang kanilang dahilan ay dahil ito (ang same sex marriage) ay kontra sa salita ng Diyos o isang kasalanan.
Ikatlo at pang huli ay hindi natin maiiwasan na makita tayo ng ibang tao kaya nilalait kung anong makikitang hindi kapaniwala gaya nalang sa social media, madaming post ng malalaswang larawan at madaming mga bata ngayon na aktibo sa social media na kung nakikita nila ay nagiging interesado sila at maaaring maimpluwensiyahan sila na gayahin ito paglaki.

 Sa kabuoan, ako’y hindi sumasang-ayon na gawing legal ang same se marriage. Ang akin lamang maipapayo ay mag isip muna bago gawin ang isang bagay na hindi ka nais-nais sa paningin ng tao lalo na’t ang mga tao ay likas ng mapanghusga at higit sa lahat sa mata ng Diyos sapagkat ito’y isang kasalanan.
Ang Same Sex Marriage
Talumpati ni: Marcony Jayme 
                    Sumasang-ayon kaba sa same sex marriage? pero una sa lahat pag usapan muna natin kung ano ang “Same Sex Marriage”. Ito ang pagpapakasal sa pagitan ng taong magkaparehas ng kasarian.
                  kung ako ang inyong tatanungin, “hindi” ang isasagot ko kasi ang tingin ko bilang tao dapat natin gampanan ang ating “role” sa tamang paraan bilang tao kagaya ng tamang pagmamahalan. Lalo na ngayon na moderno ang panahon natin mas dumarami na ang kaso ng same sex marriage na dapat talaga natin bigyan ng pansin.
              Dito naman sa Pilipinas, pinag-uusapan na kung ipapatupad ba ang same sex marriage. Marami namang sumasang-ayon. kadalasan ay mga LGBT ngunit marami na mang tutol sa ideya na ito at lalong-lalo na ang simbahan at sana naman hindi ito matupad. Isa pa ay kung mas rarami ang mga kaso ng same sex marriage merong posibilidad na ito pa ay mas uusbong kasi mahimukin ang ibang LGBT ngayon na pwede na ang pagpapakasal sa parehong kasarian na dapat talagang maiwasan.
           Pero kung sakaling matutupad man ang same sex marriage dito sa Pilipinas ay wala na akong magagawa. Lahat tayo ay may kanya-kanyang desisyon sa buhay. Kahit na ganyan sila wala tayong karapatan na manghusga sa mga taong ganyan kasi kahit kalian ay wala tayong karapatan na manghusga sa ating kapwa tao kahit na mayaman ka pa, sikat  o kahit na isang ordinaryong mamamayan kasi lahat tayo ay pareho lang sa tingin ng Diyos.
          Sa kabuuan, kahit pa hindi ako sang-ayon sa same sex marriage hindi ibig sabihin na hindi ko ginagalang ang karapatan ng mga tao lalo na sa pagdesisyon para sa kanilang buhay. Ang akin lamang nais iparating ay piliin kung ano ang tama at pagbutihin ang pagdesisyon.