Thursday, 2 February 2017

Ang Patuloy na Pag-alis ng mga OFW sa Ibang Bansa

Talumpati ni: Karyn Mae Malla

Minsan ba’y sumagi na sa ating mga isipan ang kahalagahan ng lahat ng uri ng trabaho? O sadyang nag-iba na ang daigdig at tanging mga sarili na lamang natin ang ating iniintindi at pinagtutuunan ng pansin? Sa kalagayan ng bansa natin ngayon, mahirap maghanap ng trabaho lalo pa’t humaharap tayo sa matinding krisis. Sinasabing sa panahon ngayon ay kailangang maging praktikal kaya’t ang karamihan sa mga pilipinong may maipagmamalaking kursong natapos ay hindi narin napapakinabangan ng ating bansa, mas pinili nilang magtungo sa ibang bansa at magtrabaho ng mga gawaing salungat o lihis naman sa kanilang kakayahan at pinag-aralan upang mas kumita ng malaking halaga ng pera. Bakit nga ba marami sa ating mga Pilipino ang gustong makalabas ng bansa?
Simple lang ang kasagutan, para kumita ng mas malaki kaysa sa kinikita dito.
            Ang pangunahing dahilan ng mga OFW sa pagkakaroon ng malaking sahod ay ang makapag-patayo ng bahay at lupa para sa kanilang pamilya. Gusto nila na ang kanilang pamilya ay may maayos at ligtas na matitirhan. Sino nga ba sa atin ang hindi gugustuhin na may sariling ari-arian? Para sa hinaharap ay may maipagmamalaki tayo na “SA ATIN TO” na galing ito sa pagpupursige at pagsusumikap mo.
            Ang pangalawang dahilan ng mga OFW sa pagkakaroon ng malaking sahod ay makaahon sa hirap upang mabayaran ang mga utang at matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Dahil gusto nilang mas guminhawa ang kanilang pamumuhay at makapagtapos ng pag-aaral ang kanilang anak.
            At ang panghuling dahilan ng mga OFW ay para lahat ng hinihiling at hinahangad ng kanilang pamilya ay makukuha at maibibigay. Gusto nilang hindi mahirapan ang kani-kanilang pamilya lalong-lalo na ang kanilang anak. Hindi nila gusto na ang mga nararanasan nila noon ay mararanasan ng kanilang anak.

Hanga at saludo ako sa mga OFW na kahit anong hirap at pagsubok ang kanilang naranasan ay kinaya nila hanggang dulo para sa kanilang pamilya.Sila ang tunay na bayani ng ating bansa. Sila rin ang nakatulong upang umunlad ang ating bansa. Hindi masamang mangarap, kung tutuusin, sabi nga ng iba, libre ito at sino man ay puwedeng mangarap. Pangarap na para sa ikabubuti ng lahat. Patuloy na iikot ang mundo at mas magbabago pa ang pananaw, hangarin at pamamaraan ng lahat ng tao. Hindi na natin maibabalik ang kahapon upang baguhin ang mga naganap. Sa halip, kinakailangan na lamang nating ipagpatuloy ang daloy ng buhay at isipin na talagang sa buhay ay may dumadating na mga hindi inaasahang pangyayari, minsa’y papalarin at minsa’y mamalasin. Ipagpatuloy ang agos ng alon, ipagpatuloy. Kaya dapat tandaan natin na dapat nating respetuhin at pahalagahan ang mga ginagawa ng ating pamilya para sa atin dahil hindi natin alam kung gaano kahirap ang pinagdaanan nila.

No comments:

Post a Comment